Brain Drain sa Pilipinas

“Anak, aalis na ako ah. Kailangang mangibang bansa ni nanay para makapagtrabaho. ‘Di sasapat ang kita namin ni tatay dito. Mag-aral ka ng mabuti ha?”

Ito na lang halos ang natatandaan ni Maria tungkol sa kanyang nanay simula noong umalis ito upang magtrabaho sa Canada bilang isang nars. Para sa kanya, normal lang ang ganitong sitwasyon. Pati mga magulang ng kanyang mga kaklase ay nasa ibang bansa rin; mayroong mga nars, doktor, guro, siyentipiko, at iba pa.

“Sabi kasi ng mommy ko, di raw kami makakapag-aral sa private school kapag dito lang siya magwo-work,” kwento pa ng kamag-aral niyang si Claire. Dahil dito, bata pa lamang ay pinangarap na rin ni Maria na makapagtrabaho sa ibang bansa bilang isang doktor. Para sa kanya, mas magiging maganda ang kinabukasan niya roon.

Ngayon, nasa ika-sampung baitang na si Maria at paunti-unti na siyang namumulat sa katotohanan na may masama palang epekto ang patuloy na pagpunta ng mga Pilipinong mangggagawa sa ibang bansa upang magtrabaho. Ito pala ang tinatawag na brain drain. Biglang napaisip si Maria kung itutuloy niya pa ang planong mangibang bansa.

“Hay nako beshie, kung ako sa iyo, ipu-push ko pa rin mag-work sa Canada! Wala tayong mapapala dito! Tingnan mo, naging ganito lifestyle natin kasi nagtatrabaho parents natin abroad!” katwiran ni Claire, na katulad niya ay ginusto ring mangibang bansa at mukhang hindi pa rin nagbabago ang isip.
Sabagay, kung ikukumpara ang sweldo ng mga doktor dito at sa ibang bansa, ‘di hamak na mas malaki ang sweldo roon. Ang buwanang sweldo ng isang doktor sa Pilipinas ay umaabot lamang ng P20 000 hanggang P25 000 samantalang sa ibang bansa ay pwedeng kumita ng P50 000 hanggang P55 000.

Tama nga sila, inisip ni Maria. Mahihirapan din siyang maghanap ng maayos na mapagtatrabahuhan dito dahil sa kakulangan ng oportunidad at iba pang mga benepisyo. Mas malaki pa ang magagastos niya sa pag-aaral kaysa sa maaari niyang kitain kahit na siya’y nagtatrabaho na. Kaya nagpatuloy si Maria sa pangangarap na balang-araw magkakaroon din siya ng magandang buhay, ngunit sa ibang bansa.

Ang kwento ni Maria ay madalas na mangyari sa Pilipinas. Ang mga manggagawang Pilipino ay naeengganyong magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mas malaking sweldo, mas maraming benepisyo at pinaniniwalaan nilang mas maginhawang buhay. Katunayan, patuloy na lumalaki ang bilang ng mga  propesyonal na lumilisan ng bansa ng halos labing-isang porsiyento taon-taon. Sa ganito kabilis na paglobo ng isyu ng brain drain, maaari pa ba itong masolusyonan? Kailan kaya magkakaroon ng pagkakataon ang mga kabataang tulad ni Maria na mangarap ng isang magandang buhay dito sa Pilipinas?

Ang brain drain ay ang kalagayan kung saan umaalis ang mga dalubhasang manggagawa o mga propesyonal upang magtrabaho sa ibang bansa para sa mas mataas na sahod kaya kakaunti na lamang ang natitirang magagaling na mangagawa sa isang bansa. Dito sa Pilipinas, sila ang mga kababayan nating nais mangibang bansa o makipagsapalaran sa kung anong trabahong naghihintay sa kanila. Sa mga nagdaang taon, ilang libong mga kababayan na rin natin ang nagtatrabaho at nakikipagsapalaran sa hamon ng buhay sa ibang bansa na tumutulong sa kanila para mabuhay ng marangal at makatulong sa mga dayuhang manggagawa tulad nila. Sa ngayon, marami pa rin ang nangangarap na pagdating ng tamang panahon ay makasakay ng eroplanong magdadala sa kanila tungo sa bansang nais nilang puntahan para makapagtrabaho. Umaasang makakamit ang inaasam na kaginhawaan sa buhay para sa sarili at sa pamilya.



Malaki ang epekto nito sa ating ekonomiya, gobyerno at mamamayan. May mga maganda at masamang epekto rin itong maituturing.  May magandang epekto ito sa mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya dahil nakakatanggap sila ng mataas na kita na tutustos sa kanilang mga pangangailangan. Marami rin sa mga manggagawang Pilipino ang sinusuwerte sa pangingibang bansa dahil sa pagtitiyaga at pagsisipag nila. Ang iba ay maaaring na-promote, tumaas ang kanilang posisyon at maaaring naging boss na mula sa pagiging isang ordinaryong empleyado. Dahil dito, may pagkakataon sila na makuha ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas, maisama at doon na manirahan. May iba na sa ganda ng benepisyong tinatamasa ay nakakapagbakasyon sa ibang bansa at kasama pa ang kanilang pamilya. Nakakapagpundar din sila ng bahay at lupa, mga negosyo at ari-arian. Mayroong malalaking bahay na may magagandang kasangkapan at magagarbong sasakyan. Ang mga anak ay nakapag-aaral sa mga pribadong paaralan. Nakakatulong din sila sa mga kamag-anakan sa pagkakaroon ng simpleng mapagkakakitaan o kabuhayan. Nakakatulong din ng malaki sa ating ekonomiya ang kita na ipinapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa kanilang mga pamilya. Kung pagsasamasamahin, umaabot ng milyong dolyar ang naipapadala ng mga ito kada taon at kung ipupuhunan ay sasakop sa 10% ng GDP o gross domestic product ng bansa. Isa pang magandang epekto nito ay mas napapahusay at nabibihasa ang kakayanan ng mga manggagawang Pilipino dahil sa mga karagdagang kaalaman na natututunan nila sa ibang bansa. Dahil dito sila ay itinuturing ding mga bagong bayani ng ating bansa.





Subalit hindi sa lahat ng nag-aasam ng magandang buhay bilang isang manggagawa sa ibang bansa ay maganda ang kinahahantungan. Bagama’t may magandang epekto ay mayroon ding negatibo sa panig ng mga manggagawang Pilipino at sa panig ng ating gobyerno. Mayroong hindi kinakaya ang hirap ng trabaho at tinatapos na lamang ang kontrata at uuwi na sa ating bansa. Kayod kalabaw ang karamihan sa mga manggagawang Pilipino saan man sa mundo, upang makapag-ipon ng malaki at maipadala sa pamilyang naghihintay sa bansang sinilangan. Kahit sobra na ang pangungulila sa pamilya, binabalewala na lamang ito at itinutuon ang atensyon sa pagtatarabaho. Hindi madali ang mangibang bansa dahil mag-isa nilang haharapin ang buhay doon, walang ibang kikilos para kanila kung hindi ang mga sarili nila. Nagtitiis at nagtitipid ang iba nang sa gayon ay malaki ang maipadala nilang pera sa kanilang pamilya.  May mga pangyayari naman na ang iba ay inaabuso o minamaltrato ng mga employers kaya hindi  sila nagtatagal sa trabaho at mayroon pang tumatakas upang masagip lamang ang kanilang mga sarili at ang iba naman dahil sa pagtatanggol sa sarili ay kung hindi sila ang napapatay ay sila ang nakakapatay na humahantong sa kanilang pagkakakulong.  Mayroong hindi tama ang pagpapasahod at hindi naibibigay ang mga karampatang benepisyo tulad ng kung ano ang nakasaad sa napagkasunduang kontrata. Iilan lamang yan sa mga masamang epekto kung bakit ang ibang manggagawang Pilipino ay umuuwing luhaan pabalik ng ating bansa dahil sa hindi magandang karanasan sa dayuhang bansa.

 Malaki rin ang masamang epekto nito sa ating gobyerno pati na rin sa serbisyo mula sa ating mga manggagawa. Dahil sa kakaunti na lamang ang mga magagaling na manggagawa na pinipiling magtrabaho dito sa Pilipinas, bumabagal ang pag-usad ng pag-unlad ng ating bansa. Parami na ng parami at hindi kukulang sa 10% ng populasyon ng Pilipinas ang pinipiling magtrabaho sa ibang bansa kada taon. Hindi na nakakatanggap ng tamang serbisyo ang ilan sa mga Pilipino lalo ang mga nasa rural areas dahil sa pagkawala ng mga dalubhasang manggagawa. Halimbawa na lamang na ang ilan sa mga taong nagkakasakit ay hindi agad nabibigyan ng lunas dahil sa kakulangan sa mga propesyonal na doktor. Isa sa mga epekto ng brain drain ay ang patuloy na pagdami nito sa paglipas ng taon kung kaya’t patuloy din ang pagsasara ng maraming ospital dahil sa kakulangan sa mahuhusay na doktor at nurse. 




Hindi masamang mangarap, kung tutuusin, sabi nga ng iba, libre ito at sino man ay puwedeng mangarap. Pangarap na para sa ikabubuti ng lahat. Ang Brain drain dito sa Pilipinas ay hindi madali kapalit ng isang malaking sahod at magandang buhay para sa pamilya. Ang paglayo sa bansa at makisalamuha sa mga banyaga para doon maghanapbuhay ay isang napakabigat na desisyon at pakikipagsapalaran sa buhay.

Bagamat tila sandamakmak ang negatibong epekto ng brain drain, marami parin sa ating mga kababayan ang sumusugal sa pag-asang makakapagbigay sila ng magandang kinabukasan sa kani-kanilang mga pamilya. Marahil ngang hindi na ito matanggal sa ating lipunan dahil sa hirap ng buhay sa ating bansa. Patuloy pa rin itong nagaganap at dapat itong pagtuunan ng pansin.

Maraming mga Pilipino ang pinapalad sa pangingibang-bansa tulad na lamang ng mga magulang ni Maria. Isa itong pagpapala sapagkat marami ang nalilinlang ng iba’t ibang uri ng scam na kadalasa’y nauuwi sa pagmamaltrato sakanila o ‘di kaya’y napipilitan sila ibenta ang kanilang mga sarili. Sa kabutihang palad ay gumagawa ng aksyon ang ating itinalagang pangulo ng mga hakbang upang matulungan ang ating mga kababayang nabiktima at nalinlang ng mga nabanggit.

Talamak man ang epekto ng brain drain, positibo at negatibo, ito ay isang mahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin. Nasa saatin na rin kung tayo’y magpapadala sa naturang isyu. Ikaw, nais mo bang mangibang bansa sa pag-asang guminhawa ang buhay, o piliing manatili at paglingkuran ang ating bansang sinilangan?

Comments

  1. Totoong nakakalungkot na kailangan pang mangibang bansa ng ating mga kababayan para lang makapaghanapbuhay. Pero hindi rin natin sila masisisi dahil kulang o kaya'y wala talagang mga oportunidad dito sa Pilipinas. Sana magawan ng paraan ng gobyerno na mabigyan ng trabaho at macompensate ng tama ang mga professionals dito sa atin para maengganyo naman silang manatili na lang dito at pagsilbihan ang bayan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ang isyu ng brain drain sa Pilipinas ay patuloy pa ring nangyayari hanggang sa ngayon. Marami pa ring mga Pilipino ang nangingibang bansa upang kumita ng mas malaking halaga, kumpara rito sa Pilipinas na kung saan ay maliit lang ang kanilang maaaring kitain. Ang natatanging paraan lang na nakikita ko upang hindi na mangibang bansa ang mga Pilipino ay ang paggawa ng Gobyerno ng mga programang magbibigay halaga sa ganitong isyu.

      Delete
  2. Hindi naman talaga natin masisisi ang mga kababayan natin na mangibang bansa lalo na't mas maraming benepisyo ang pagtatrabaho doon. Ngunit kung makakagawa tayo ng paraan upang bigyang halaga ng gobyerno ang pagbibigay ng tamang sweldo at benepisyo sa mga manggagawa, maaaring mabawasan ang brain drain sa ating bansa.

    ReplyDelete
  3. Bilang isang nanay at guro mahirap isipin na ang katuwang mo sa buhay ay malayo sa tabi mo dahil nasa ibang bansa para magtrabaho. Nawawala sila sa bansa para sa pera, maalwan na buhay --mga materyal na bagay. Madadala ba natin ito sa kabilang buhay? Pinaghahandaan ang bukas na walang katiyakan kung nandon pa sila. Masarap ang kasalukuyan, oo, pero ang kapalit ay lungkot, pangungulila sa bawat isa. Kung bibigyan lang ng mga propesyunal ng pagkakataon ang gobyerno at pagtulungan ang makakabuti sa bansa na nandito sila, naniniwala ako na walang pamilya ang mangungulila sa ama o ina, sa anak o kapatid. Kung magiging simple lamang ang mga tao at asamin ang buhay na kumpleto at magkakasamang nakikitang lumalaki ang mga anak at ginagabayan ng tama. Sa kalaunan magiging masagana rin ang ating bansa.

    ReplyDelete
  4. May mga pagkakataon talagang kinakailangan ng ating mga kababayan ang mangibang bansa upang makapaghanapbuhay na makatutulong sa pagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanilang pamilya. Bagamat may natatanggap namang sahod ang ating kababayan dito sa Pilipinas, ngunit ito'y hindi pa rin sapat sa kanilang pamumuhay. Kung ang gobyerno sana ay pantay sa lahat, may suporta at hindi puro pera ang iniisip, maaari pang mapanatili ang mga professionals ng bansa na makatutulong pa sa pagpapa-unlad nito.

    ReplyDelete
  5. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
    Replies
    1. "Para sa akin, may mabuti namang naidudulot ang brain drain sa atin sa ekonomiyang aspeto. Pero sa mga pamilya na naiiwan ng ofw sobrang hirap din, pilit na inuunawa ang kalagayan para mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Isa sa dahilan kung bakit nagkukulang na ang mga guro, nars, engineer dito sa ating bansa dahil iilan lang sa kanila ang may matatag na buhay. Mas malaki nga naman daw ang kikitaan sa ibang bansa, ang isang buwan mo sa abroad na kita dito sa atin mga 3 buwan na.sana lang sa mga susunod na taon magkaroon na rin ang ating bansa ng magandang ekonomiya, maraming mabibigyang professionals ng pagkakataong dito na lang magtrabaho. Masaya na dahil sama sama ang pamilya. Nasusubaybayan ang mga anak habang lumalaki." -Pes Palino, asawa ng isang OFW

      Delete
    2. Bilang isang mag-aaral sa kolehiyo, marami akong naririnig na, "kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral, balak kong magtrabaho sa ibang bansa." Marahil nga gusto nilang makatulong sa pamumuhay ng kanilang pamilya dahil di hamak nga namang mas malaki ang suweldong iyong matatanggap sa ibang bansa kaya hindi rin natin maaaring sisisihin ang ating mga kababayan. Maraming naghihirap sa buhay at karamihan rin ang nangangarap na mamuhay ng marangal kaya naman ginagamit nila ang kanilang edukasyon o kaalaman para makapagtrabaho sa ibang bansa.

      Delete
  6. Maraming mas magandang oportunidad ang naghihintay sa ibat ibang bansa, lalo na sa mga kanluraning bansa. Ang mga pilipinong tumutungo rito ay nagnanais lamang ng mas maayos na pamumuhay para sa kanilang sarili at mga mahal sa buhay. Ngunit kung titignan ang ibang anggulo, paano naman ang mga sarili mong kababayan na nangangailangan ng iyong serbisyo, ang serbisyo na iyong ibinibigay sa mga banyaga. Isang malinaw na representasyon ng brain drain ay pakikinabang ng mga banyagang bansa sa mga imbensyon at diskubreng bagay o talino ng ating mga kababayan, na sila muna ang nakakatamasa ng mga ito. Kung tutuusin mayaman na ang bansa natin kung ang libo libong mga OFW ay mas piniling maglingkod dito sa Pilipinas. Kelangan din siguro magkaroon ng pagbabago sa sistema ng Pilipinas upang maiwasan ang Brain Drain. Pero para sa akin, mas dakila ang maglingkod sa sariling bayan dahil nagtatrabaho ka para maglingkod, makatulong.

    ReplyDelete
  7. Ang sinasabing BRAIN DRAIN ay isang malaking issue sa ating bansa na hindi malulunasan agad-agad lalo na kung patuloy ang paglobo ng populasyon, krimen, at corruption sa gobyerno na lalong nagpapalala sa kahirapan, na syang nagtutulak naman sa karamihan sa atin na magtrabaho na lang sa ibang bansa kahit pa may mga balitang ang marami sa atin ay umuuwing luhaan, minsan pa ay di na nakakauwi. Mas pipiliin na lang ng karamihan sa atin ang sumugal para sa pinapangarap na magandang buhay kaysa manatili dito sa bansa at patuloy na magtiis sa hirap, mag-isip at tanungin ang sarili: "Ano kayang nangyari kung sumubok akong makipagsapalaran sa ibang bansa? Mas umunlad kaya ang buhay ko, ang buhay namin?" Gustuhin man nating maglingkod sa ating mga kapwa Filipino at sa bayan, kung nahihirapan naman ang ating katawan at di kumikita ng sapat para sa sarili at sa ating pamilya at iba pang mga mahal sa buhay, hindi natin masisisi ang karamihan sa atin na sunggaban ang pagkakataon na makapang-ibang bansa kung meron mang magbukas ng pinto para sa ganoong pagkakataon. Mahirap ang mawalay sa lahat ng minamahal sa buhay, pero minsan kailangan nating magsakripisyo. Ang mga Filipino mapagtiis, pero kung may pagkakataon mabago ang sitwasyon ng buhay natin, matapang din tayong sumugal dahil tayo ay mga taong may malakas din na pananalig sa Dyos. Ano man ang maging desisyon natin sa buhay, pakaisipin muna ang mga maidudulot nito sa sarili natin at sa mga taong nakapaligid satin lalo na sa mga may sarili ng mga anak. Minsan kase, umasenso nga ang buhay pero napariwara naman ang mga anak dahil nawalan sila ng magulang na mag-aaruga at magbabantay sa kanila. Higit sa lahat, dapat manalangin muna sa Dyos upang magabayan tayo sa tamang pagdedesisyon, at upang manatili sa tuwid na daan patungo sa ating mga minimithi.

    ReplyDelete
  8. Totoong masama ang epekto ng brain drain sa ating bansa. Maraming potensyal na nawawala sa kada propesyonal na lumalabas ng ating bansa. Ngunit hindi natin masisisi ang ilan sa ating mga kababayan na piniling mangibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kani-kanilang mga pamilya o sarili. Para sa akin, kung mabibigyan lamang ng magandang oportunidad ang bawat may kakayahan at propesyonal na manggagawang Pilipino, hindi na kinakailangan pang lumabas ng bansa ang karamihan sa atin. Gayunpaman, ang bawat isa satin ay may kani-kanyang karapatan upang magdesisyon sa kung ano ang mas makabubuti at ikauunlad natin bilang indibidwal na mamamayan. Nakakalungkot mang tanggapin, ang brain drain ay mistulang parte na ng kulturang Pilipino. Sa madaling salita, ang konsepto nito ay hindi na tuluyang mabubura sa isipan ng marami. Ngunit sa tingin ko’y maaari naman itong maibsan sa pagtutulungan ng bawat indibidwal at ng gobyerno.

    ReplyDelete
  9. Tama! Tunay akong nagagalak sa nabasa ng aking dalawang mata. Marahil ay talaga namang napasang-ayon n'yo ako sa inyong mga binitawan na mensahe. Tunay nga naman talagang mahirap ang magtrabaho sa ibang bansa, ngunit ano'ng magagawa natin kung napakabagal ng pag-usad ng pag-unlad ng ating bansa? Ayoko nang habaan ang aking komento pero, haynako! Talaga namang may positibo at negatibong maaring ikaresulta ang pag-alis ng bansa, ngunit hindi natin masisisi ang mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bansa makamtam lamang ang inaasam na ginhawa. Siguro, maaaring masabing walang pagmamahal sa sariling bayan ang mga taong umaalis ng bansa, ngunit kamusta ba ang kalagayan ngayon ng ating bansa? Nabibigyang pansin ba ng gobyerno ang problemang ito? Ayoko matrigger ha. Ngunit napakagaling ng sumulat nito. Lubos akong humahanga sa mga tao sa likod nitong nabasa ng aking dalawang mata. Saludo ako!

    ReplyDelete
  10. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  11. Matagal ng isyu ang brain drain na hangang ngayon ay wala pa ding lunas na naibibigay ang pamahalaan. Dapat bigyan ito ng pansin sa pamamagitan ng pag bibigay ng sapat na oportunidad sa trabaho at tamang pasahod ng sa gayon ang ating mga manggagawa ay di na kailangang lumisan, mga manggagawa na mga experto at magagaling sa kani kanilang larangan na sana ay dagdag pwersa sa pag unlad ng ating bansa. May mga pagkakataon na mas higit na apektado ang pamilya nang dahil sa isyu na ito , kalimitan naibibigay nga ang mga bagay na sobra pa sa pangangailangan ng mga naiwang miyembro ng pamilya dito ngunit salat sila sa pag aaruga, pag gabay ng personal ng mga magulang at nasasayang din yon panahon na maging masaya kasama ang pamilya. Mga bagay na sa tingin ko ay mahalaga sa pamilyang Pilipino.

    ReplyDelete
  12. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  13. Masama nga ang brain drain sa Pilipinas. Tiyak nga nawawalan tayo ng kalakasan sa mga trabahong propesyunal tulad ng mga mahuhusay na enhinyero at mga arkitekto dahil sila'y napipilitang mag trabaho sa ibang bansa. Nakakalungkot lang din dahil hindi lang sa ekonomiya ng ating bansa ito'y masama, pati na rin sa mga pamilya; ang pinakamaliit na yunit ng lipunan dahil sa lungkot na dinadala ng pagiging isang OFW. Isang halimbawa nito ay ang Separation Anxiety sa mga malalapit na pamilya, at ang mga kabataan ay malalawan ng mag gagabay sakanila sa pagtanda nila at iyon ang nagiging bunga ng mahirap na pagpapalaki ng isang bata.

    ReplyDelete
  14. Napakahusay ng mga nakasaad na impormasyon. Isinasaad din nito ang katotohanan ng buhay. Madami akong naintindihan at natutunan. Karapatdapat itong mabasa ng iba pa.

    ReplyDelete
  15. Tunay namang malaki ang nagiging epekto ng brain drain sa ating bansa. ito ay mapa ekonomiya man o moral na aspeto. ngunit masisisi ba ang mga manggagawang umaalis ng bansa kung sila ay magiging praktikal lamang? oo, tunay ngang ang sariling bansa ang syang humubog sa atin sa kung sino tayo ngayon. nakalulungkot man isipin ngunit ang pagpapahalaga sa atin ng gobyerno ay hindi sing higit ng pagpapahalaga natin sa bayang sinilangan. naniniwala akong dapat matamo ng mga manggagawa kung ano ang naprarapat para sa kanila para hindi na nila kailanganin pang umalis ng bansa. Sa pamamaraang ito ay mas magiging maunalad ang bansa sa aking palagay. ito man ay maging sa usaping ekonomiya o pagiging makabayan. naniniwala din ako na kung magiging iisa lamang ang layunin ng mga namumuno ay masusolusyunan pa ang lumalalang brain drain na ito na mistulang nanuot na sa kultura ng bansa. gayunpaman, tayo ay naninirahan sa mundo kung saan walang indibidwal na hangganan. kung magbubuti tayo bilang isang mamamayan, tayo ay lilikha ng isang maunlad na nasyon.

    ReplyDelete
  16. marami nang hihiwalay sa kanilang pamilya dahil sa brain drain. marami rin saating nakararanas nito , mayroong negatibo at positibong epekto ito para saating kaya dapat ay maging handa tayo sa mga maaring mangyari ..... :)

    ReplyDelete
  17. Bilang anak ng OFW , Mahirap mawalay sa magulang dahil ibang iba yung kumpleto kayo at siguro pde ko rin sabihing sapat lng kasi dahil sa magulang nating nag aabroad, natutulungan nila tayong makapag aral at natutustusan nila ang ating mga pangangailangan. Ngunit mahirap ito para sating mga magulang kaya dapat nating pahalagahan yung bawat ginagawa nila para saatin at suklian ito ng pag sisikap sa pag aaral kahit doon lng masuklian natin ang ating mga magulang.��

    ReplyDelete
  18. Ako din ay isang anak ng OFW at totoo ngang napakahirap mawalay sa pamilya. Saludo ako sa mga manggagawa sa labas ng bansa na nagsasakripisyo para sa kani-kanilang mga pamilya. Karapat-dapat talaga silang tawaging mga bagong bayani. :)

    ReplyDelete
  19. Bilang isang ofw.mahirap talaga aming sitwasyon dahil buwan o taon naming Hindi nakikita ang aming mga Mahal sa buhay mga Asawa,anak,mga magulang, kapatid at kaibigan . Kaya mas pinipili naming magtrabaho sa ibang bansa dahil mas mataas ang aming sahod.sana tumaas na ang sahod Jan sa pilipinas upang Hindi na kami mawalay sa aming pamilya.

    ReplyDelete
  20. Napakahirap na desisyon ang iwan ang pamilya at ipagpalit sa dolyar na makapag-aahon sa antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Unang senaryo: sama-sama ang buong pamilya, ngunit hindi sapat ang kinikita ni tatay pangtustos sa lahat ng pangangailangan ng buong pamilya o kung sapat man, meron ba syang naitabi na ipon nya para sa kanyang pagtanda? o iaasa din nya ito sa pinag-aral nyang anak, dahil naubos nito ang kanyang lakas sa paghahanapbuhay. Ikalawang senaryo: nangibang-bansa si tatay, iniwan ang pamilya upang may maitustos sa pag-aaral ng mga anak, makapagtabi ng para sa sarili at makaipon ng puhunan para makapagtayo ng maliit na negosyo. Subalit hindi sya nakakasiguro kung ang pinaghirapan nya ay pinahahalagahan din ng kanyang pinaglalaanan. BRAIN DRAIN PH...hindi lang ito usapin tungkol sa suliranin ng gobyerno, dahil ang pinag-uugatan ng suliraning ito ay ang bawat pamilyang Pilipino na nais magtamasa ng maginhawang pamumuhay sa sariling bayan.

    ReplyDelete
  21. ako man ay nangangarap ring nagtrabaho sa ibang bansa matapos makapag-aral. bukod pa sa di hamak na mas malaking kita at mas malawak na oportunidad, personal na kagustuhan ko rin ang makalabas ng bansa. ukol naman sa suliraning ito ng Pilipinas, sa tingin ko ay dapat na matutong magpahalaga at mag-alaga ang bansa sa ating mga manggagawa at propesyonal. malaking hakbang upang masimulan ito ang pagsisigurado sa kanilang mga benepisyo.

    ReplyDelete
  22. Ay naku! Grabe nmn tlaga iyan ano .. NaninIwLa akong kailangan p talaga mangibang bansa ng atInG kapwa pilipino pra sa magandang kinabukasan .. Kudos sa mga sumulat ni2 !

    ReplyDelete
  23. Maganda ang ipinaparating na mensahe nito. Pero kahit na gustuhin kong magkaroon ng magandang buhay, dapat manatili parin ang pagmamahal sa bayan! Puso! Werpa! Petmalu! Lodi! Ssob! Ecnalubma! Magandang kinabukasan pati sa ating inang bayan! Ganon dapat!

    ReplyDelete
  24. na delete comment ko nakakainis... pero ako nga ay isang anak ng ofw.. alam ko ang lht ng hirap ng aking mabuting ina pra lamang matustusan ang pangangailangan nming magkakapatid... ang haba masyado kya hndi ko na bnasa .. pero gs2 kong mkapunta sa seoul .. kht n dun na ako tumira he he he

    ReplyDelete
  25. Thank You and I have a dandy give: How Much For House Renovation Uk home improvement near me

    ReplyDelete

Post a Comment